Loading... Please wait...Ang mga tulang kabilang sa aklat na ito ay lumabas na sa kabuuang siyam na aklat ni Rio Alma. Kalipunan ito ng kanyang mga tula, nakaayos sang-ayon sa petsa ng pagkasulat, mula nuong siya'y isang kabataang estudyante sa unibersidad hanggang siya'y maging isang ganap at iginagalang na makata, kritiko, at propesor ng panitikan. Marahil sa unang pagkakataon ay masasaksihan, o di kaya'y mapag-aaralan, ang simula, pag-unlad at pagyabong ng kanyang mga likha. Matutunghayan dito hindi lamang ang kagila-gilalas na sipag at dedikasyon ni Rio Alma bilang makata, kundi maging ang lawak ng kanyang karanasan at guniguni, ang lawig ng kanyang pamamaraan at bokabularyo, ang lalim ng kanyang talino at pang-unawa, at ang tayog ng kanyang paninindigan at mithiin. Kinailangang hatiin ang koleksiyon sa dalawang tomo dahil sa napakarami ng mga tula, na hindi basta mga tula: halos lahat ay nawisikan ng kislap.
Sa mga pananalita ni Mike L. Bigornia, si Virgilio Almario, na kilala rin sa pangalang Rio Alma bilang isang makata, ay "parang isang pinagpalang anak na pinamanahan ng isang pirasong bukid, ilang sala-salang pilapil at malulusog na pinitak na walang sawa naman niyang binubungkal upang lumitaw ang yaman ng lupa. Sa kasalukuyang siglo, si Batute lamang ang maaari niyang maging katapat sa kadakilaan." Kritiko rin si Virgilio S. Almario. Kinilala na ang talino niya bilang manunulat sa pamamagitan ng mga gawad at premyong pampanitikan, kabilang ang Ten Outstanding Young Men nuong 1983, Southeast Asia Writer Award (Iginawad sa Bangkok, Thailand, 1989), at Gawad Patnubay ng Sining at Kalinangan, 1992. Tatlong ulit siyang nahalal na chairman (1986-1992) at kasalukuyang chairman emeritus ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL); pundador at secretary-general ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY); at naging editor ng iba't ibang libro at pahayagan. Kasalukuyan siyang executive director ng Children's Communication Center; komisyoner ng UNESCO Philippines; pabliser ng Filipino Magazin at guro ng panitikan sa U.P. Diliman.
Choose a currency below to display product prices in the selected currency.